(Isang Pag-alaala sa Buhay-Estudyante)
Nais
kong ibahagi ang sanaysay na aking isinulat noon pang 2008. Umaasa
akong kapupulutan niyo rin ito ng inspirasyon at aral. Mahirap maging
estudyante... pero masarap. Isa itong yugto ng buhay na punong-puno ng
pagkatuto sa pisikal, emosyonal, mental, ispiritwal at sikolohikal na
diwa. Seryosong usapan ang pagiging estudyante... pero wag mo naman
kalimutan na i-enjoy ito habang andiyan ka pa. Iyan kasi ang bagay na
hindi mo na mababalikan pag tapos ka na. Gawin mo ang iyong makakaya para pag lingon mo, wala kang pagsisisihan.
Nagmamamadali na naman akong lumakad papunta sa sakayan
ng Lawton. Hindi
ko na nga naisara ang gate namin. Alam ko pagsapit ng mga ala-sais ay
himala na lamang ang makapagbibigay sa akin ng pagkakataon para makasakay pa sa
pila ng van. Dahil sa malao’t madali pagnakarating na ako, alam ko, ako
ang pipila para sa van. Nakakainip. Nakakangalay.
Makikipagtitigan na naman ako
sa sapatos ko.
Kung sa bagay tititigan lang din naman niya ako.
Kikindatan kung inip na talaga (yung tipong maglalaro na lamang ang mga daliri
ko sa paa para malimutan ang pagkangalay sa pagtayo at pagpila). Laking
pasasalamat ko na rin sa kaniya at hanggang ngayon, kahit saan ko pa siya iratsada
ay hindi niya ako pinagtatawanan. Ayaw naman niyang sabihin kung kailan niya
ako susukuan. Dahil pag nagkagayon, mahirap na. Wala akong dalang extrang
perang pambili at kung sakali mang mayroon ay wala naman akong mabibilhan. Sarado
pa.
Kung sa bagay may allowance naman.
Two and a half hours pa.
Pero matagal talaga. Nabilang ko na rin kung pang ilan
ako sa pila. Panglabing-anim. Kung ilan naman kami sa pila, yan ang hindi ko na
mabibilang. Nakakailang din namang tumingin pa sa likod. Baka isipin ng iba,
tinitingnan ko sila, lalo ng mga office lady at mga kolehiyala. Iisa-isahin
na nila ang aking pisikal na anyo— mula ulo hanggang paa. Kikilatisin. Kaya
kahit interesado pa ako, wag na lang.
Hindi
naman ako natatakot magpakilatis…wala lang ako sa mood.
Moody kasi akong tao. Lahat idinepende ko ro’n.
Kaya may mga panahon na nang-iimbiyerna rin ako sa mga tumititig sa ‘kin.
(Minsan ako pa nga ang nangunguna) Pero nakakainis rin. Minsan may mga DOM
(deeh-ohw-emh) sa halip na tigilan ako ay nginingitian pa ako. Ayoko din naman
silang irapan. Ang lagay ba e parang pa-obvious naman ako na nagpatalo
ako sa kanila.
Hindi ko kasi ugaling
magpatalo. Malamang sila rin.
Malala na nga, pagtinabihan pa ako. Patay. Kasi kung
hindi niya pilit ibababa ang ulo niya sa balikat ko, dadapo naman ang kamay
niya sa hita ko. Sa mga ganoong pagkakataon, kailangan naka alerto na naman ang
defenses ko. Dapat sensitive. Ang libro o kaya bag ay nakatakip sa
kandungan ko o kaya’y nakasisik sa katabi kong maniac. Para
nga naman less contact.Ang pag-upo ko naman dapat medyo nakaslouch o
kaya nama’y yung parang malapit nang malaglag sa upuan. Akala siguro ng mga
nahuling sumakay e dahil sa generous ako. Kasama na rin yo’n, pero mas priority
ko ang sarili ko. At dahil sa feel ko pang maghintay, nakatayo pa rin
ako. Yakap ang bag ko.
Pero
sa mga ganitong pagkakataon, naiisip ko… nakakapagod talaga ang mag-hintay.
Kung sa bagay hindi lang naman van ang hinihintay
sa buhay. Marami. May maliit at malaki. Mayroon ding kulay pink, green, yellow
at gold. Teka, mayroon bang kulay itim? Palagay ko wala. Lahat naman kasi ng
inaantay ay para sa ikabubuti. Para sa ikagiginhawa. Nariyan ang simpleng pag-reply
ng mga tinext natin, ang marinig ang mga salitang gaya ng “Salamat” at “Mahal Kita” mula sa mga
taong pinahahalagahan natin, ang matapos ang malakas na ulan sa mahaba nitong pananalasa,
ang pagbabayad ng mga taong may utang sa atin, ang pagbabalik ng mga mahal
natin sa buhay at ang pagkamit ng tagumpay na minimithi natin. Sadyang may mga
bagay na masasagot lamang sa pagdaan ng panahon.
At
mukhang sinagot na nga. Kung hindi pa ako makasasakay ay huli na talaga ako sa
klase.
Hindi lang naman pila ang susuungin ko, pati traffic.
Malayo pa rin ang Cavite sa Maynila. Lalo na pag rush-hour, mas nagiging
malayo. Kahapon kasi, napagsabihan kami ng Prof. namin sa Theories of
Personality. Mangyari ay hindi lang naman ako ang nale-late, kaya hindi
masyadong nakakahiya, pero kahit na, kasi isa ako sa mga laging late at super
late (may mga pagkakataon kasing 45 mins na lang ang dadatnan ko sa one
and a half hour class namin), kaya sapol talaga ako doon. Nararamdaman daw
niyang di namin pinahahalagahan ang subject niya. Unfair daw sa
iba na gumigising nang maaga para lamang hindi mahuli sa klase. Samantalang
kami, parating nahuhuli.
Unfair?
Medyo subjective ang pagkakagamit ng salita (sa
bagay, kailan nga ba naging fair ang salitang iyon?). Totoo, hindi naman
tama ang laging huli sa klase. Pero di hamak na mas maaga naman ang gising ko
sa karamihan ng mga kaklase kong hindi nahuhuli sa klase. Malapit lang ang
bahay nila. Kahit alas-otso pa sila umalis. Idagdag pa ang mga may access
sa LRT at MRT. Mabilis.
Eto
pa ang mas unfair.
Natural, kung hindi talaga kakayanin ng oras, bakit pa
mag-hihintay? Sasakay na lang ako ng
bus. Sayang naman yung pagtayo ko sa pilahan nang matagal. E kung alam ko lang
na gano’n pala katagal, e di sana
kanina ko pa pinatos yung pagtayo sa bus. Tatayo rin pala ako. Sa bagay, aircon
din naman dun. Sige na lang. Pero hindi pa kasi bukas ang isip ko pagdating
sa gender-equality. Ang totoo, hindi lang iyon ang isyu, mas angkop ito
kung sasabihing physical attractiveness inequality. Kadalasan, yun lang
mga magaganda at nakasexy-outfit ang pinapaupo ng mga lalaki. At take
note, kahit pouch lang naman ang dala nila.
Pero kapag nakarating ka na sa
paroroonan mo, parang kahit anong hirap na pinagdaanan mo, nawawala na lang…
8:29am. Hindi na masama para maging on time. Aakyat na
lang ako papuntang third floor. Di bale nang walang make-up. Ang
mahalaga, hindi ako late. Nakapag-ayos naman ako nang kaunti sa bus. (Pagkatapos
magbabaan ng mga may pouch at mga nakashades na nagtutulog-tulugan. May bakante
nang upuan para sa akin.) Sa wakas nakarating din ako! Kaya magpro-project
na lang ako na parang hindi ako naubusan ng kinetic energy sa pagtayo ng
halos dalawang oras at pagkapit sa mga hand rails ng bus habang
nakikipagsiksikan sa iba pang pasahero. Naalala ko tuloy ang sabi ng Prof.
namin sa Acad. Writing, hindi daw mahalaga kung gaano katagal ang ginugol mong
panahon sa pagsulat, ang mahalaga daw sa mga mambabasa ay kung paano mo ito
epektibong maihahatid sa kanila sa pamamagitan ng pagpili ng salita at
pagsasaayos nito sa sulatin.
Hindi naman ako sulatin, ngunit
humaharap rin ako sa mga mapanuring mata ng tao.
At iyon na nga ang mahirap. Hindi naman kasi ito katulad
ng pagkilatis ng mga taong nakatingin sa akin sa pilahan. Mas may impact.
Nakita ka na nga nila, pag-uusapan pa. Kaya kahit masakit na, dapat nakangiti
pa rin; kahit nakakapundi na, maaliwalas pa rin ang mukha. Nakakaiyak din kasi
parang pakiramdam ko, dinadaya ko na ang sarili ko. Pero hindi. Dapat,
nakangiti pa rin. Gateway daw iyon to professionalism— ang
tanggapin ang criticisms nang nakangiti.
Pero mas mahalaga naman ang
self-actualization kaysa professionalism…
Matatapos rin naman ang araw. Isa lang rin ang tiyak, na
pagod na ako at ang pinakahuling makakauwi. Pero hindi pa rin tapos ang
paglalakbay. Sabi nga may mga bagay na panahon lamang ang makasasagot. Kailangan
lang na matuto tayo ng sining ng paghawak nito— ang bumitaw nang kaunti kapag
mahigpit ang pagkakahawak sa atin at ang kumapit dito kapag tila bibigay na ang
lakas nito. Hindi na nakapagtataka, na kahit anong layo na ng nalakad ng isa
para sa araw na iyon ay hindi pa rin niya makikita ang sagot. Parang ako. Parang
ikaw. Minsan, madami na tayong napuntahan, madaming nasubukan, at
napagtanungan. Pero bakit hindi pa natin mahanap? Bakit hindi pa rin tayo
masaya? Bakit parang wala pa rin tayong nagawa? Bakit hindi pa rin tayo
masapatan?
Titingala
muna ako saglit, pipikit. Lalanghap ng sariwang hangin. Asul pa rin naman pala ang kulay ng langit.
No comments:
Post a Comment